November 2nd, 2009

charlson, bakit ba ako napadpad doon. ni hindi ko alam kung paano gumawa ng kwento. ganito dapat. may taong gustong pumaslang sa mahal niya. (katulad ng lahat na nagmamahal) gusto niya itong durugin, idikdik sa abo, pinuhin hangang mawala, maging hangin tangyay ng hangin. upang siya ay mahalin. alam kong gasgas (alam natng gasgas). ang premiso ay ang paggamit ng mga sulat. mga sulat natagpuan saan saan. ang nilalaman ng bawat sulat ay mga detalyeng impossibleng malamn nung sinusulatan. o dapat impossible. para ipakita kung gaano kadaming nalalaman nung protagonista. yung tagalikha ng mga sulat. puros mga detalye kung paano siya natagpuan. at sinundan. sinundan ng salita, salitang pilit na nagpapaganda, nanggalit. naninidak. ang premiso ay sindak, kung paano siya, ang protagonista, ay manghahabol, manunundo ng pilit. manghahawak ng bagay na hindi katawan, hindi puso (charlson, aminin mo na na ang puso ay kathang isip, isa lamang aparatong binuo ng dugo upang padaluyin ang sarili). gutom, ang pagiging hayop, ang pangil, ang tukaw, ang tari ang premiso. sa dulo ng kwento, sila ay magkakainan. dalawang hayop na (sa wakas) nagkakilala na parehas hindi alam kung sino ang lalamon kanino. ang pagtikim ay ang premiso. dun mo hulog yung aksyon. yun yung bangin, charlson. dun mo ako dapat sundan.

Posted by riel-desdichado at 09:02 PM | #
riel-desdichado requires comments from Tabulas users only. Please login or register an account.